Entry: semana santa Tuesday, March 18, 2008



"saan kayo magbabakasyon ngayong Mahal na Araw?" ang tanong sa akin.

ilang kaibigan ko na rin ang nag-tanong niyan. at sa lahat, iisa lang ang sagot ko sa kanila.

"Bawal mag-saya pag Mahal na Araw. Patay ang Diyos."

Absurd di ba? Hindi naman taon-taon pinapatay si Kristo.  Pero kahit ganon, sumusunod pa din ang pamilya namin sa ganyang tradisyon - pangingilin tuwing Semana Santa.

Ang pinaka-gala ko lamang pag Mahal na Araw ay ang Visita Iglesia.  Maliban doon, nasa bahay lamang kami. 

Sa bahay naman, bawal manood ng tv. bawal mag-laro.  bawal makinig ng radyo. bawal kumanta maliban sa pagpa-pasyon.  Tulad noong isang taon, Sabado de Glorya noon, nagpaalam ako kay mommy na mag-videoke ako.  Napagalitan ba naman ako. Baka daw batuhin ako ng kalapit-bahay. Hindi ko lang sigurado kung sinabi nya yun dahil patay si Kristo o dahil pangit ang boses ko pag kumakanta. Sad

Pero may libangan naman kami sa probinsya pag ganitong panahon.  Tuwing Miyerkules Santo ng gabi ay may prusisyon sa buong bayan.  Makikita mo dito lahat ng mga rebulto at naka-ayos sila na parang mga scenes ng paghihirap ni Hesus.  Pero hindi gumagalaw ang mga ito. Hindi katulad sa Paete na gumagalaw daw ang mga rebulto sa prusisyon. (eee scarey! takot pa naman ako sa rebulto)  Kung minsan, sumasama ako sa prusisyon. Ugali namin tuwing sasama kami na pumwesto sa bandang unahan o sa likod ng unang Santo (si San Pedro kasi ang laging nasa unahan ng prusisyon sa aming bayan).  Pagkatapos namin, pagbalik sa simbahan, magmamadali kaming tumakbo papunta sa patio o sa plaza para abangang at panoodin ang mga kasunod naming tao at rebulto.  at ang pinakaa-abangan ng lahat ay ang mga hampas.  Hampas ang tawag namin sa mga namamanata na nagpapalo at nagpapadugo ng kanilang likod sa pamamagitan ng kadena o kahoy.  Dati, enjoy ako manood nito. binibilang pa nga namin at ikinukumpara ang dami sa susunod na araw.  pero ngayon hindi na ako naaaliw dito. malansa kasi. kadiri. heniweis...

Pagdating ng Huwebes Santo, walang prusisyon sa amin pero madaming hampas.   Ito naman ang aming pinagkaka-abalahan, ang manood ng mga hampas na dumadaan sa aming bahay.  Nililibot kasi ng mga hampas ang mga Santo at Santa na idini-display sa harap ng mga bahay.  Ito yung malalaking rebulto na isinasama sa prusisyon.  kung minsan dumadayo kaming magkakapatid sa bahay ng aming lola kasi may Santo/Santa na malapit sa kanilang bahay.  Nang kami'y college na, nag-lilibot na kami sa bayan upang tingnan naman ang mga rebulto.  May libreng kain pa sa mga ito, yun nga lang kalimitan tubig o juice at biskwit lang ang mga ito.  Ok na din kasi fasting naman dapat sa mga panahong ito.

Minsan meron din sa aming senakulo.  Ito ay ang pagsasabuhay ng paghihirap ni Kristo.  Mga totong tao na ito at may nagpapasan talaga ng krus na lumilibot sa buong bayan ng walang tsinelas.  Hinahampas din sya ng mga hudyo na naka-costume din.  Sa hapon, dakong alas-3, ipapako na ang taong gumaganap na Kristo sa plaza.  Pero hindi  talagang ipinapako ang  napanood ko sa aming bayan. itinatali lang.  Wala pa akong napanood na namamanatang totoong nagpa-pako maliban sa mga ibinabalita sa tv.  siguro nagkaroon na din sa amin ng ganon pero bata pa ako. 

Pagdating ng Biernes Santo, ganoon pa din ang senaryo.  Mas madaming hampas nga lang sa araw na ito, base sa aming taon-taong pagbibilang.  Pagdating naman ng alas-3 ng hapon ay may dapit.  Prusisyon din ito pero dapit ang tawag.  ang mga Santong kasama lang dito ay ang Ina ng Awa, ang Mahal na Señor (nakahigang Kristo), at ang La Pieta.  Ang senaryong ito naman ay nagpapakita ng pagsundo ni Mama mary sa katawan ni Hesus pagkababa Nito mula sa krus.  Taon-taon, nagda-dapit ang aming pamilya kasama ang aming mga tiyahin at pinsan.  Hanggang sa dumating ang panahong kaming magpi-pinsan na lang.  hanggang sa nanonood na lang kaming magpipinsan sa mga taong nagda-dapit.  Nawala na kasi sa amin ang spiritu ng okasyong ito.  malimit kasi nakikita at naririnig namin ang pagpuna, pagpuri, o pangungutya ng mga nanonood sa mga damit ng mga kasama sa dapit.  kaya naman, ginawa na ring mala-runway ang prusisyong ito.  dito kasi isinusuot ng mga nagpu-prusisyon ang kanilang mga bago at pinaka-magandang damit.  ito ang panahong maging sosyal tuwing Mahal na Araw. dalawang kalye lang kasi ang dinadaanan nito kaya pwede kang mag-high heels kung gusto mo. 

bukod sa dapit, may prusisyon ulit sa gabi.  dati buong bayan ang prusisyon sa gabi ng miyerkules at biernes pero ngayon kalahati na lang ng bayan sa miyerkules at yung isang kalahit naman ng bayan sa biernes.  kaya pag hindi kami kasama sa prusisyon sa gabi, nanonood na lang kmai. kung sa kabilang ibayo ang prusisyon, lumilipat kami sa bahay ng aming mga kamag-anak para manood.

ganito lang ang happenings sa aming bayan kapag Mahal na Araw.  bawal kasi mag-saya habang naghihirap si Kristo.   kaya naman, bahala ka nang maghanap ng iyong mapaglilibangan.  kaya siguro lumaki akong mababaw ang aking kaligayahan kasi nasanay akong maghanap ng magpapasaya sa akin sa mga maliliit na bagay.
pagdating lang ng madaling araw ng Linggo de Glorya kami maaring magsaya.  alas-5 kasi ng madaling araw ay Salubong.  Dito nagtatagpo ang buhay na Hesus at Ina ng Awa.  Masaya na ang kulay ng damit ni Mama Mary sa oras na ito hindi tulad kung miyerkules, huwebes, at biernes.

sa paglipas ng panahon, napansin kong nag-iiba na ang tradisyon sa aming bayan.  umiingay na ang mga tao hindi tulad noong elementarya pa lang ako na talagang ubod ng tahimik sa paligid.  sumasabay din sa mga pagbabagong ito ang aming pamilya. siguro ilang taon pa at may iba na akong maisasagot sa mga kaibigan kong magtatanong kung saan ako magbabakasyon sa Mahal na Araw.  hindi ko lang alam kung matutuwa ako o malulungkot kapag dumating na ang panahong ito.

   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments