Entry: hitchhiker Tuesday, March 11, 2008



naranasan nyo na bang makisakay ng libre sa isang sasakyang paluwas ng Maynila o papunta kung saan mang malayong lugar na hindi ninyo kakilala ang inyong sinakyan?

ako, oo. naranasan ko ito noong Linggo (Mar 9, 2008) ng alas-otso ng gabi (8:00 pm).  dalawang lalaki ang aking kasama sa sasakyan. isang pick-up type na sasakyan ito at ako lamang ang nasa back seat.  Si Manong Joel ang nagmamaneho at si Manong Boy naman ang nasa passenger seat. 

galing silang Real, Quezon at pauwi silang Novaliches ng mga oras na iyon.  dumaan sila sa aming kainan para maghapunan. ako naman, habang kumakain sila doon ay nagbyahe papuntang Famy para makipagsapalaran sa pagsakay sa van paluwas ng Maynila.   sa kasamaang plad ay naiwan ako ng isang kakaalis lang na van.  ang problema ko ay  alanganin nang mapuna ang van kapag pasado alas-siyete y medya na ng gabi.  wala tuloy akong magawa kundi maghintay ng 13 pasahero (na mukhang malabo) o maghintay ng mahigit 30 minutos sa pagdaan ng bus (na may posibilidad na standing room only).

habang naghihintay ay dumaan ang 2 pick-up na kumakain sa aming restaurant.  kinausap ni daddy ang nauuna sa dalawa upang ako ay isabay sa pagluwas ng Maynila. kakilala kasi niya ito.  subalit, hindi na ako kasya dito kaya itinuro si daddy sa kasunod na pick-up.  mabuti naman at nagmagandang loob sina Mang Boy na isabay ako sa kanilang sasakyan.

napag-alaman ko na galing sa marriage encounter ang dalawa.  mali ang iniisip nyo,  hindi sila bading at hindi sila mag-asawa. Nasa America ang asawa ni Mang Boy kaya mag-isa syang dumalo sa seminar sa Quezon.  masarap silang kausap ni Mang Joel. hindi ka matatakot sa byahe kahit hindi mo sila kakilala.  napag-usapan namin ang pag-aasawa, ang pag-aapply ng Visa sa US embassy, ang love story ni Mang Boy at ng kanyang asawa, ang sabong, at ang nangyayari ngayong kaguluhan sa ating bansa.  naging kaaya-aya ang aking paglalakbay.

nakakatuwa ang karanasan kong ito.  marami akong natutunang bagay-bagay kay Mang Boy.  mga bagay na hindi ko naman karapatang ibahagi dahil ito ay kanyang sariling karanasan.  sa paglalakbay kong ito, muling nabuhay sa aking puso ang pagnanasang makapaglibot sa mundo at makatulong sa kapwa tao. sana dumating din ang panahon sa akin na may maibabahagi din akong mga karanasan tungkol sa iba't ibang bagay tulad ni Mang Boy. 

   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments